Open letter to: manong taxi driver

Song playing: Chasing Pavements by Adele

Isang liham sa mga minamahal kong Metro Manila taxi drivers:

*Sinulat ko ‘to sa English pero naisip ko na masmabibigyan ko siyang hustisya kung isulat ko sa Tagalog. (Former English version here)

Alam mo isa sa mga pinakamasakit na pwedeng pagdaanan ng isang tao sa kanyang buhay ay kabiguan. Yung may gusto kang gawin o may gusto kang taong makasama pero inaayawan ka ng pagkakataon o hindi ganun din ang narararamdaman ng taong ‘yon para sayo. Ang sakit, ang hirap.

Eh halos araw-araw mo kayang pagdaanan ‘yon. Diba nakakapagod? Kaya nga sumusulat ako ngayon. Ayoko na kasi. Gusto ko nang matigil ang pamababasted sakin ni manong taxi driver.

Taon-taon ‘yan, walang palya, paulit-ulit akong sinasarahan ng pinto at iniilingan ng mga taxi drivers kasi raw traffic. Tuwing Pasko pa. Pasko, ang paborito kong bahagi ng taon kung saan dapat naguumapaw ang magalak na pagbibigay at pagmamahalan.

Kaliwa’t kanan ang pagbasted sakin ng mga manong taxi drivers.

Naiiba na nga ako ng kabiguang ito eh. Minsan lumalabas ang galit na hindi ko alam meron pala ako. Minsan sa sobrang inis pinagbabantaan ko sila na irereport ko sila sa mga kinauukulan. Hindi ko naman ginagawa. Lilipas ang inis at makakalimutan o tatamarin na ako. Pero sa paulit-ulit na pagbasted sakin, napagod na ako. Kaya eto, napagpasiyahan kong isulat ang mga plate number nga mga taxi drivers na binibigo ako. Mga isang buwan lang ‘to.

UVA603
UVN747 (Kat-Eve-Gab Taxi)
UVL942 (Pompa Taxi)
TXM320 (EMP Taxi)
TWM703 (MAMA Taxi with LTFRB no. 2003-0350)
TYK827 (Ryan Patrick Taxi)
UVP341 (Marifren Taxi)
UVG588 (Gallant Godsend Taxi)

Nakakatawa nga, yung isa Gallant Godsend pa kung tinuring pero hindi talaga siya Godsend. Naalala ko pa na umuulan ng malakas noon sa Greenbelt at parang ikasampung taxi na siyang inaayawan ako. May lagnat ako nun, sinisipon at mukhang tutuloy na talaga sa trangkaso. Gabi na nun at nanlalamig na ako. Pero walang pakialam si kuyang Godsend.

Nung isang linggo lang hindi rin kaagad sinakay ang boyfriend ko at ang kanyang ate na namimilipit at sumisigaw sa sakit ng tyan. Malalaman namin maya-maya na kailangan na pala itong operahan. Bakit may pagaalinlangan? Malapit kasi ang ospital, nakakahassle magdrive pa dun lang pala.

Iniisip ko talaga, bakit pa ilalagay ang mga salitang “To any point in Luzon/Metro Manila” kung hindi naman talaga silang handang gawin yun? Bakit pa pinapailaw ang ilaw na “For Hire” sa ibabaw ng kanilang sasakyan kung ayaw naman nilang magpa-hire?

Diba and taxi ay isang uri ng public transportation? Public. Pampubliko. Ibig sabihin nasa serbisyo sila ng publiko. Ibig sabihin binabayaran sila upang manilbihan sa publiko.Ngunit bakit parang ang publiko ang nagsisilbi sakanila? Kaming mga commuters ang naghihintay, nagmamakaawa, nag-aabang na malimusan kami ng…hindi serbisyo, kundi malasakit o awa nila?

Parang ginintuang mga drivers tuloy ang mga taxi drivers na nakilala ko sa Baguio. Nagsusukli ng eksakto, hindi tumatanggi at nagugulat pa at minsan umaayaw sa tip. Imbis na dapat ganun talaga ang nangyayari, nagiging espesyal ang mga ganung tagpo.

Naiintindihan ko naman na mahirap maka-boundary, mahirap magmaneho sa traffic, nakakapagod ang pagbiyahe sa ulan. Siyempre alam ko ‘yun, nagcocommute ako. Nagtatrabaho rin ako, kumikitang kabuhayan. Naiintindihan ko pero hindi ko matanggap. Lahat naman kasi tayo may kanya-kanyang trabaho na pinasok o pinili. At oo nakakatamad minsan pero hindi iyon dahilan para hindi natin siya gawin ng tama.

Nakakalungkot. Hindi ba’t sa ganyang mga pagkakataon din tumitigil ang pagasenso natin bilang isang tao? Kapag hindi tayo gumagawa ng bagay dahil lang nakakatamad o dahil kailangan ng effort? Nawawalan tayo ng pagkakataon na palawakin ang abilidad nating magmahal, manilbihan, maging tao.

Hindi ko naman hinihiling na dalhin ako sa Tawi-Tawi o di kaya ay maging bangka ang taxi sa baha. Hinihingi ko lang na sana gawin ang trabaho at kung hindi kaya, sana naman ay nakabatay siya sa tunay na katanggap-tanggap na dahilan.

Naiisip ko kasi minsan, kung anak nila ako na nilalagnat at kailangan nang umuwi, tatanggihan ba nila ako? Iniisip ko kung tatanggapin ba nila ang dahilan na nakakatamad magmaneho sa traffic kapag nagaagaw-buhay ang isang kamag-anak nila at kailangang dalhin sa ospital? Paano kung sila ang walang masakyan pagpasko at ang dami-dami nilang dalang gamit at hinihintay sila ng mga mahal nila sa buhay para sa isang reunion o party?

Ang dali kasing magbigay ng dahilan kesa sa isipin ang kalagayan ng isang tao. Pero sana talaga, pinagdarasal ko na magkaroon ng totoong malasakit angĀ lahat mga taxi drivers sa Metro Manila sa publiko. Sana naman tumigil na ang pagsasara ng mga pinto at pag-iiling. Sana naman tumigil na sila sa pagbabasted saakin at sa milyun-milyong mga commuters. Tama na po mga manong taxi drivers. Bigong-bigo na po kami.

, , , ,

2 Responses to Open letter to: manong taxi driver

  1. Mads Palma June 20, 2013 at 9:30 am #

    I feel for you Li! I experience it every morning!

    • sophiaevergreen June 21, 2013 at 6:58 am #

      It really is an everyday thing. Hugs for us Mads!

Leave a Reply

Anti-Spam Quiz:

Designed with Love by Luis De Vera